Patuloy na nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Pebrero 24.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Northern Samar, Eastern Samar, at Samar bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, posible umanong makaranas ng maulap na kalangitan na may katamtamang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa malamig na hanging amihan.
Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.
Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: