5 bebot, dinakma sa buy-bust sa QC Circle--₱6.8M illegal drugs, nasamsam
Dinampot ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang limang babaeng pinaghihinalaang sangkot sa drug syndicate matapos masamsaman ng ₱6.8 milyong halaga ng ilegal na droga sa Quezon City Memorial Circle nitong Biyernes ng gabi.
Nasa kustodiya na ng PDEA-National Capital Region ang mga suspek na sina Rohaida Mariga, 29; Edilyn Ico, 26; Farjana Dumarang; 24; Roxanne Cunanan, 24, at Noraisa Mariga, 24.
Sa report, ang mga suspek ay dinakip ng mga tauhan ng PDEA-Regional Office (NCR), National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO–RDEU) at Quezon City Police District (QCPD)-Station 10 sa loob ng QC Memorial Circle, Barangay Central, dakong 7:55 ng gabi.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang aabot sa 1,000 gramo ng shabu, iba’t ibang identification cards, cellular phones, passbook, buy-bust money at isang kulay silver na Toyota Avanza.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Section II) ang limang suspek, ayon pa sa PDEA.