Personal na binisita ni Vice President Sara Duterte ang burol ng yumaong si Cpl. Reland Tapinit, isa sa anim na mga sundalong nasawi sa operasyon ng militar laban sa tatlong umano’y miyembro ng Maute Group sa Munai, Lanao del Norte noong nakaraang linggo.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 22, nagbahagi ang opisyal ng page ni Duterte ng ilang mga larawan kung saan makikita ang pagtayo niya sa harap ng kabaong ni Tapinit, maging ang pakikipag-usap niya sa pamilyang naiwan nito.
“Saludo ako sa kwento ng katapangan at kabayanihang ipinakita ni Sgt. Tapinit at mga kasamahan niya na nasawi at nasugatan,” ani Duterte.
“Sa atin pong pakikiramay sa kanilang mga pamilya ay tandaan sana natin na totoo ang banta ng terorismo at wala itong pinipiling biktima. Tandaan din natin ang panganib ng pangangalap ng kabataan sa terorismo,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din ang bise presidente sa pamilya ng Tapinit dahil sa naging serbisyo raw nito para sa bayan.
“Muli, sa ngalan ng buong sambayanang Pilipino ako po ay lubos na nakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng nakapanlulumong pangyayaring ito,” aniya.
Ayon naman sa Office of the Vice President (OVP), nakatakda ring bumisita si Duterte sa Prosperidad, Agusan del Sur para bigyang-pugay si Private James Porras.
Binisita rin umano ng bise presidente ang Adventist Medical Center sa Iligan City at Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City kung saan kasalukuyang ginagamot ang mga sundalong nasugatan sa engkuwentro.
Matatandaang inihayag ng 1st Infantry Division ng Philippine Army kamakailan na anim ng military personnel mula sa 44th Infantry Battalion at nasa tatlong umano’y miyembro ng Maute ang nasawi sa operasyon noong Pebrero 18.
Kaugnay na Balita: