Tinanggap na ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang subpoena na nag-aatas sa kanyang dumalo sa nakatakdang pagdinig ng Senado sa susunod na buwan.

Ang naturang subpoena na inilabas ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, ay pormal na tinanggap ng legal counsel ng KOJC na si Marie Dinah Tolentino-Fuentes nitong Huwebes, Pebrero 22, dakong 1:30 ng hapon.

Inihayag ng senador na dapat na dumalo si Quiboloy sa pagdinig sa Marso 5, dakong 10:00 ng umaga upang sagutin ang patung-patong na reklamo laban sa kanya.

Nauna nang nagbanta si Hontiveros na isa-cite in contempt at ipaaresto si Quiboloy sakaling hindi sumipot sa pagdinig.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Bukod dito, inatasan din si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng Kamara sa Marso 12 kaugnay umano sa mga paglabag ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI) sa prangkisa nito.

Ang SMNI ay pag-aari ng KOJC na pinamumunuan ni Quiboloy.