Umapela si Senador Robinhood “Robin” Padilla na sundin ng mga producer ang mga nakasaad na alituntunin sa Senate Bill No. 2505 o Eddie Garcia bill.

Sa ginanap na third reading ng Eddie Garcia bill, eksklusibong nakapanayam ni showbiz insider Ogie Diaz si Senador Padilla para tanungin kung ano ang kaniyang pakiusap sa mga producer.

“Sana po sundin natin. Kasi batas na po ito. Hinihingi po namin sa inyo, sundin natin. Sapagkat ito naman po ay ginawa nating makatarungan,” pahayag niya.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

“Noong ginawa namin ang unang draft nito, may mga producer na nagsabi na: ‘Hindi lamang kayo senador ng mga artista o ng mga crew.’ Kaya ginawa po namin lahat ng paraan para magkita-kita sa gitna. Walang matalo. Lahat panalo,” aniya.

Sa unang bahagi ng panayam, nilinaw din ng senador na ang higit na makikinabang umano sa nasabing panukalang batas ay ang mga maliliit na manggagawa sa industriya ng pelikula.

“Ang pinroteksyunan natin dito ‘yong maliliit. ‘Yong mga nasa tent, ‘yong mga crew, ‘yong mga staff. Sila po ‘yong talagang makikinabang dito,” sabi pa niya.

Matatandaang nagtipon-tipon sa Quezon City ang mga batikang artista noong Setyembre 2023 para isakatuparan ang Eddie Garcia bill.

MAKI-BALITA: Mga batikang artista, nagsama-sama para sa ‘Eddie Garcia Bill’

Ipinangalan ang panukalang batas sa yumaong batikang aktor na si Eddie Garcia na ang naging sanhi umano ng pagkamatay ay bali sa leeg na dulot ng pagkakatapid umano sa nakakalag na kable sa set.