Hinatiran ng tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga parishioners na nabiktima ng pagguho ng mezzanine ng St. Peter Apostle Parish Church sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan noong Ash Wednesday.
Bukod sa tulong pinansiyal na ipinagkaloob, tiniyak din ni PCSO General Manager Mel Robles na sasagutin ng PCSO ang medical bills ng anim na biktimang matinding nasugatan sa trahedya at nananatili pang naka-confine sa iba’t ibang pagamutan, sa pamamagitan ng kanilang Medical Assistance Program, at pakikipag-kolaborasyon sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Ayon kay GM Robles, "In the face of this tragic accident that occurred in a place of prayer and refuge, it is our duty to make the victims feel the supportive presence of our government.”
“Under President Bongbong Marcos' Bagong Pilipinas, it is imperative that we extend help to those in need, particularly those who are burdened by concerns about hospital expenses,” dagdag pa ni GM Robles.
Nabatid na personal ding bumisita si GM Robles, kasama sina San Jose del Monte Bulacan Mayor Arthur Robes at PCSO Executive Assistant Arnold Arriola, sa mga pasyente na naka-confine sa iba’t ibang pagamutan at inalam ang lagay ng mga ito, gayundin ang posibleng tulong na maaari nilang ibigay.
Inalam din nila ang pinsalang tinamo ng simbahan at tinalakay sa mga lokal na opisyal kung paano mapapabilis ang pagpapakumpuni at rehabilitasyon nito.
Dumalaw din si GM Robles sa burol ng biktimang nasawi sa trahedya at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya nito.
Sa pamamagitan ng kanyang mabilis at konkretong aksiyon, ipinakitang muli ni GM Robles ang seryosong commitment ng PCSO na pagkalooban ng tulong at suporta ang mga taong nangangailangan.
Matatandaang bumigay at gumuho ang kahoy na bahagi ng mezzanine floor ng simbahan habang nagdaraos ng banal na misa noong umaga ng Ash Wednesday, na nagresulta sa pagkamatay ng isang parishioner at pagkasugat ng 50 iba pa.