Tuluyan nang binawi ng Guinness World Records (GWR) ang titulo ng Portuguese dog si “Bobi,” na sinasabing 31 ang edad bago pumanaw, bilang “pinakamatandang aso sa buong mundo.”
Matatandaang noong Pebrero 2, 2023 nang pangalanan ng GWR si Bobi bilang “world’s oldest dog ever.”
Ipinanganak daw ang nasabing Portuguese dog noong Mayo 11, 1992. Noong Pebrero 1, 2023, isang araw bago igawad sa kaniya ang titulo ay 30 taon at 266 araw daw ang kaniyang edad. Nalampasan daw niya ang life expectancy para sa kaniyang breed na Rafeiro na 12 hanggang 14 taon.
Pinatotohanan din umano ang edad ni Bobi ng SIAC, isang pet database na awtorisado ng Portuguese government at pinamamahalaan ng Sindicato Nacional dos Médicos Veterinários o National Union of Veterinarians.
Noong Oktubre 21, 2023 nang pumanaw si Bobi sa edad daw na 31 taon at 165 araw.
https://balita.net.ph/2023/10/24/run-free-bobi-pinakamatandaang-aso-sa-mundo-pumanaw-na/
Samantala, nito lamang buwan ng Enero nang ianunsyo ng GWR na pansamantala nilang sinususpinde ang titulo ni Bobi habang isinasagawa raw nila ang imbestigasyon matapos magsuspetya ang ilang mga beterinaryo hinggil sa kaniyang edad.
https://balita.net.ph/2024/01/18/worlds-oldest-dog-ever-title-ni-bobi-pansamantalang-binawi-ng-gwr/
Kaugnay nito, sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng GWR nitong Huwebes, Pebrero 22, na tinanggal na nga nila kay Bobi ang titulo dahil lumabas daw sa kanilang imbestigasyon na wala umanong ebidensyang magpapatunay na 31 talaga ang edad nito.
“The SIAC, which it transpires, when chipped in 2022, did not require proof of age for dogs born before 2008,” pahayag pa ng GWR.
Sa kasalukuyan ay hindi pa raw makumpirma ng GWR kung sino ang bagong may hawak ng titulong “world’s oldest dog ever.”