Nabiktima rin ng hackers ang Facebook page ng Marikina City government.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang cyberattack sa FB page ng kanilang Public Information Office (PIO).
Ayon kay Teodoro, simula pa noong Pebrero 21 ay hindi na ma-access ng mga staff ng PIO ang naturang FB page kaya’t inireport ito sa kanya.
Nang paimbestigahan, dito nakumpirma na cyberattack nga ang nangyari.
Sinabi ni Teodoro na naapektuhan ng pag-atake ang communication channel ng LGU sa paghahatid ng impormasyon sa kanilang mga nasasakupan.
“The "Marikina PIO" Facebook page has been hacked by unscrupulous individuals, rendering it inaccessible to our PIO personnel. Our official Facebook page became inaccessible to our staff on February 21, 2024,” ani Teodoro, sa isang pahayag.
“This cyberattack on the city's official communication channel has affected our ability to provide unhampered assistance to the people of Marikina,” aniya pa.
Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang kanilang mga kababayan na magtungo muna sa FB page ng Marikina City Rescue 161 upang doon isangguni ang kanilang mga concern o hinaing.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang pamahalaang lungsod sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pag-atake at mapanagot ang mga ito.
“In the meantime, you may message the Marikina City Rescue 161 Facebook page for any concerns. We will continue to provide information and much-needed assistance to our constituents,” pahayag pa niya. “Rest assured, those behind this hacking will face the full force of the law. The local government of Marikina is now coordinating with the local police to identify the individuals behind this.”