Inalmahan ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang naging pahayag ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na hindi umano siya nang-abuso ng mga babae dahil ang totoo raw ay siya ang pinag-aagawan ng mga ito.

"Kay Quiboloy, huwag ka ngang feelingero," pagbibigay-diin ni Castro sa isang press conference sa Kamara nitong Huwebes, Pebrero 22.

"Ang akala mo ay hinahabol ka ng mga kababaihan, hinahabol ka dahil sa accountability mo at pananagutan mo sa mga kababaihan," dagdag pa niya.

Binanggit din ng mambabatas na dapat humarap si Quiboloy sa nakatakdang pagdinig ng Kamara kaugnay ng prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa Marso 12.

Quiboloy, itinangging nang-abuso ng mga babae: 'Pinag-aagawan nila ako'

“Harapin mo ‘yung accountability mo, Pastor Quiboloy. With due respect, huwag kang masyadong feelingero na hinahabol ka ng mga kababaihan. At pinagmamalaki mo ang iyong kayamanan,” saad ni Castro.

Matatandaang iginiit ni Quiboloy kamakailan na pinag-aagawan siya ng mga babae dahil single siya. Binaliktad naman daw siya ng mga ito matapos niyang hindian ang kanilang gusto mula sa kaniya.

“Ito po ang kasalanan ko. Pinayaman ako ng Panginoong Diyos. Single ako, kaya pinag-aagawan ako. Pagkatapos na ako ay maghi-hindi, mapapahiya, ibabaliktad nila sa akin. Iyan ang tinatawag kong Potiphar’s wife syndrome,” ani Quiboloy.

Ayon pa sa pastor, nagtatago raw siya ngayon dahil nasa panganib ang kaniyang buhay matapos umanong makipagsabwatan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa United States (US) para “patayin” siya.

https://balita.net.ph/2024/02/22/quiboloy-inakusahan-si-pbbm-na-nakipagsabwatan-sa-us-para-patayin-siya/