Inaasahang muling iiral ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan sa ilang bahagi ng Luzon sa mga susunod na araw, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Pebrero 23.

Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na sa ngayon ay unti-unting umiihip ang amihan sa bahagi ng Taiwan.

“Inaasahan sa mga susunod na araw, bababa pa ito at unti-unting lalakas sa Luzon hanggang sa kalagitnaan po ng susunod na linggo,” ani Estareja.

Sa kasalukuyan, ayon sa PAGASA, ang easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko ang nagdadala ng mainit na panahon sa malaking bahagi ng bansa.

Amihan season, inaasahang matatapos sa Marso – PAGASA

Kaugnay nito, inaasahan daw na magdudulot ang easterlies ng maalinsangang panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region.

Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posible rin umanong magdulot ang easterlies at localized thunderstorms ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: