Itinanggi ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang mga alegasyong nang-abuso siya ng mga babae dahil ang totoo umano’y siya ang pinag-aagawan ng mga ito.

Sa isang pahayag na inilabas ng SMNI sa YouTube nitong Miyerkules, Pebrero 21, iginiit ni Quiboloy na dahil single daw siya ay pinag-aagawan siya ng mga babae, at binaliktad daw siya ng mga ito matapos niyang hindian ang kanilang gusto sa kaniya.

“Ako po ay hindi nag-asawa. Ngayon ay inaakusahan ako ng napakaraming babae,” ani Quiboloy.

“Ito po ang kasalanan ko. Pinayaman ako ng Panginoong Diyos. Single ako, kaya pinag-aagawan ako. Pagkatapos na ako ay maghi-hindi, mapapahiya, ibabaliktad nila sa akin. Iyan ang tinatawag kong Potiphar’s wife syndrome,” dagdag niya.

Matapos ‘di sumipot sa Senate probe: Quiboloy, inisyuhan ng subpoena

Ayon pa sa pastor, binayaran umano ang mga babaeng nagreklamo laban sa kaniya.

“Hindi po ako nagsasalita nang ganito kasi mapapahiya ang mga babaeng ‘yan. Nag-aagawan sila. Mahirap mang sabihin, pinag-aagawan nila ako,” giit ni Quiboloy.

“[Sabi nila sa] sa mga magulang [nila]: ‘Mayaman na tayo, Ma, kapag nangyari ito.’ Sabi ko: ‘Hindi mangyayari iyan.’ Dedicated ako eh. Napahiya. Ngayon binayaran, at ngayon binabaliktad ang kanilang istorya,” saad pa niya.

Sinabi rin ng KOJC leader na napilitan siya magsalita dahil sa banda sa kaniyang buhay.

Matatandaang noong Enero 23, 2024 nang mag-isyu ang Senate committee on women ng subpoena laban Quiboloy matapos itong hindi sumipot sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon ng pang-aabusong kinahaharap ng grupo nito.

Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

Samantala, kamakailan lamang ay isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros noong Lunes, Pebrero 19, na lumabas na ang subpoena laban kay Quiboloy.

https://balita.net.ph/2024/02/19/subpoena-vs-quiboloy-nailabas-na-hontiveros/

Nahaharap din si Quiboloy sa 43 na kaso sa Amerika, kabilang na ang sex trafficking at fraud.