Inaasahang magiging maalinsangan ang panahon sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Pebrero 22, dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies ng mainit na panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga at Southern Leyte.

Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posible rin umanong magdulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Amihan season, inaasahang matatapos sa Marso – PAGASA

Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Matatandaang inihayag ng PAGASA kamakailan na inaasahang matatapos ang pag-iral ng northeast monsoon o hanging amihan sa bansa pagdating ng ikalawa o ikatlong linggo ng Marso.