Hindi umano inoobliga ng Department of Education (DepEd) ang mga private schools na magpalit ng school calendars.

Ang paglilinaw ay ginawa ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas sa isang public briefing nitong Huwebes matapos na ianunsiyo ng ahensiya kamakailan na unti-unti na silang mag-a-adjust ng pasok ang mga pampublikong paaralan upang maibalik ang lumang school calendar.

Ayon kay Bringas, may ilang pribadong paaralan na ang nagbukas ng klase noong Hunyo at Hulyo, 2023 para sa SY-2023-2024 habang mayroon din namang nagbukas ng school year noong Agosto, kasabay ng pagbubukas ng klase ng mga pampublikong paaralan.

“‘Yung mga private schools na sumabay sa public schools na nag-open ng August, hindi naman sila mandatory na mag-adjust ng kanila school calendars,” ani Bringas. “They still have the option to maintain their approved calendar or adjust accordingly.”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Matatandaang noong Pebrero 19, inilabas ng DepEd ang Department Order 003 na nagtatakda ng end of school year (EOSY) sa Mayo 31, 2024.

Nakasaad din sa naturang DO na ang school break ngayong taon ay magsisimula ng Hunyo 1 at magtatapos ng Hulyo 29, 2024.

Ang SY 2024-2025 naman ay magbubukas sa Hulyo 29, 2024 at magtatapos sa Mayo 16, 2025.

Ang old school calendar ay yaong klase na nagsisimula ng Hunyo hanggang Marso at may summer vacation na Abril at Mayo.