Umaabot sa mahigit 340,000 bagong botante ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) sa unang lingo nang isinasagawa nilang voter registration para sa 2025 midterm elections.
Batay sa datos na inilabas ng Comelec, nabatid na kabuuang 348,349 bagong botante ang kanilang naitala sa nationwide registration mula lamang noong Pebrero 12 hanggang 17, 2024.
Ayon sa poll body, pinakamaraming nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 61,736 at sa Metro Manila na nasa 48,187 bagong registrants.
Ikinatuwa naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia dahil sa turnout ng unang linggo ng voter registration.
Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na maabot nila ang target na makapagrehistro ng tatlong milyong bagong botante, bago matapos ang voter registration.
Ang voter registration para sa 2025 national and local elections ay umarangkada noong Pebrero 12.
Nakatakda naman itong magtapos sa Setyembre 30, 2024.