Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte hinggil sa sinabi ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nakita umano siya at kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umalis sa mansyon ni Pastor Apollo Quiboloy dala-dala umano ang mga bag na naglalaman ng mga baril.
Sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 20, sinabi ni Duterte na nakagawian na umano sa kasaysayan ng Pilipinas ang “pag-atake” at “pagbato ng sari-saring isyu” laban sa bise presidente.
“Marahil, sapagkat ang Bise Presidente ang tumatayong pangunahing hadlang sa mga nangangarap maging pangulo,” giit ni Duterte.
“Hindi ko ikakagulat kung dumami pa ang mga kaso, imbestigasyon, testigo, paratang, atake, at paninira laban sa akin sa mga susunod na araw, lingo, buwan, at mga taon,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa bise presidente, naniniwala raw siyang na may tamang panahon para sa lahat, at sa ngayon ay uunahin daw niya ang magtrabaho bilang pagtupad sa kaniyang tungkulin sa mga Pilipino.
“Panahon ngayon ng aking pagtatrabaho. Tutuparin ko ang sinumpaang tungkulin. Uunahin ko ang mga tunay na suliranin. Uunahin ko ang Pilipino,” saad ni Duterte.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa umano’y mga pang-aabuso ng KOJC nitong Lunes, Pebrero 18, sinabi ng witness na si alyas-Rene na dati siyang landscaper ng “Glory Mountain” ni Quiboloy, at nakita umano niya ang mag-amang Duterte na kumuha ng mga bag sa naturang lugar ng pastor.