Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte ang anim na sundalong nasawi sa operasyon ng militar laban sa mga umano’y miyembro ng Maute Group sa Munai, Lanao del Norte noong Linggo, Pebrero 18.

Sa isang video message nitong Martes, Pebrero 20, sinabi ni Duterte na ang kabayanihan ng anim na sundalo ay kapalit ng kaligtasan ng mga Pilipino, hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa.

“Sa ating pakikiramay sa kanilang mga pamilya ay tandaan sana natin na totoo ang banta ng terorismo at wala itong pinipiling biktima. Tandaan din natin ang panganib ng pangangalap ng kabataan sa terorismo,” pahayag ni Duterte.

Binanggit din ng bise rpesidente na ang “konkretong halimbawa” ay ang nangyaring pagpapasabog ng bomba sa Roxas Night Market sa Davao City noong 2016 at ang paglusob sa Marawi City noong 2017.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Tandaan din sana natin na sa Marawi Siege ay napatunayan nating hindi natin isinusuko kaninuman ang ating kalayaan, kapayapaan, at kaunlaran,” ani Duterte.

“Bilang isang Mindanawon, personal para sa akin ang laban na ito. Bilang mga Pilipino, sana ay magkaisa tayo makiramay sa mga naulila at supilin ang kalaban ng bayan.”

“Sumasaludo kami sa inyong mga pumanaw namin na sundalo. Pinakadakila ang magbuwis ng buhay para sa bayan. Maraming salamat sa inyong katapangan at pagmamahal sa mga Pilipino at sa Pilipinas,” saad pa niya.

Matatandaang inihayag ng 1st Infantry Division ng Philippine Army kamakailan na anim ng military personnel mula sa 44th Infantry Battalion at nasa tatlong umano’y miyembro ng Maute ang nasawi sa operasyon noong Pebrero 18.