Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsasampa umano ang Pilipinas ng kaso laban sa mga mangingisdang Chinese kapag may nakita ang pamahalaan na legal na basehan sa umano’y paggamit ng mga ito ng cyanide upang sirain ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Sinabi ito ng pangulo sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, Pebrero 20, habang nasa Maynila para sa ika-16 Ani ng Dangal 2024.

“If we feel that there is an enough ground to do so, we will,” ani Marcos, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO).

Ayon pa sa pangulo, alam daw niya ang umano’y cyanide fishing ng Chinese fishermen base sa mga ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“I do know that there are cases of cyanide fishing before even here in the Philippines, but I think the reason that it has been more alarming is that it has become more prevalent kaya ‘yun ang inaalala natin,” ani Marcos.

Matatandaang noong nakaraang linggo, iniulat ng BFAR na nakatanggap umano sila ng mga ulat na gumagamit ang mga mangingisdang Chinese ng cyanide upang “intensyonal” na sirain ang Bajo de Masinloc at pigilan ang mga Pilipinong mangisda sa naturang lugar.

Inatasan naman ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang BFAR ng kumalap ng ebidensya upang suportahan ang naturang usapin.