Itinanggi ni Senador Imee Marcos na mayroong kudeta laban sa liderato ni Senate President Migz Zubiri dahil ang totoo raw ay wala namang may gusto sa trabaho nito.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Pebrero 19, sinabi ni Marcos na hindi naman umano niya alam ang isyu ng kudeta laban kay Zubiri dahil masyado raw siyang busy, at hindi naman umano nila napag-uusapan ito ng kapwa niya mga kapwa senador.

“Sa totoo lang walang may gusto na maging senate president. Ang hirap ng trabaho, naiipit ka lagi,” ani Marcos.

“Wala namang balita, hindi napag-uusapan,” dagdag pa niya.

Zubiri, nag-react sa bali-balitang ‘kudeta’ laban sa kaniya

Ayon pa sa senador, maayos naman daw ang trabaho ni Zubiri bilang kasalukuyang senate president.

“Okay naman siya ah. Ang pangit nga ng trabaho niya eh. Wala ngang may gusto sa totoo lang,” saad ni Marcos.

Base sa mga bali-balita, may kumakalat umanong resolusyon para palitan si Zubiri sa puwesto, kung saan kailangan daw ng 13 na pirma mula sa 24 na mga senador para rito.

Nagbigay naman ng reaksiyon si Zubiri hinggil sa naturang isyu laban sa kaniya.