Posible umanong tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa sakaling matuloy ang isinusulong na P100 legislated hike sa daily minimum wage sa Senado.
Ito ang naging babala ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, sa isang panayam sa telebisyon nitong Martes, matapos tuluyan nang aprubahan ng Senado nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukala na nagmamandato ng P100-daily pay increase para sa daily minimum wage earners, na tinatayang aabot sa 4.2 milyon sa buong bansa.
Nabatid na nasa 20 senador ang bumoto pabor sa Senate Bill No. 2534 o The proposed P100 Daily Minimum Wage Increase Act na iniakda nina Senate President Juan Miguel āMigzā Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
Ayon naman kay Laguesma, bagamat ang umento sa sahod ay makapagpapalakas ng 'purchasing power' ng mga manggagawa, posible rin aniya itong magkaroon ng impact sa mga micro and small businesses.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na karamihan sa mga negosyante sa bansa ay nasa ilalim ng maliliit na kategorya at possible aniyang hindi kayanin ng ilan sa mga ito ang implementasyon ng naturang legislated wage hike.
Anang DOLE chief, āKapag merong pag-uusap tungkol sa pagtaas ng suweldo, medyo nakakaramdam na po tayo ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin."
"Iyon pong may kinalaman sa transport. So para pong ano 'yan chain reaction. Kaya ang lagi naman pong tinatanaw ng DOLE sana mabalanse," dagdag pa ni Laguesma.
Tiniyak naman ng kalihim na naghahanap na sila ng mga posibleng interbensiyon upang matulungan ang mga micro and small businesses, sakaling madagdagan pa ng P100 ang minimum wage.
Aniya, nais nilang matiyak na walang mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho, sa kabila ng financial impact ng posibleng wage hike sa kanilang mga employers.