Muling hinamon ni Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing miyembro ulit ang Pilipinas ng International Criminal Court (ICC) lalo na’t marami na umano ang naniniwalang dapat makipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inilabas ng OCTA kamakailan ang resulta ng kanilang survey kung saan mahigit sa kalahati umano ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat makipagtulungan ang pamahalaan ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ni Brosas sa isang pahayag nitong Lunes, Pebrero 19, na kapag naging miyembro mula ang Pilipinas ng ICC, magkakaroon daw ang bansa ng mekanismo upang mapanagot ang pamahalaan, lalo na pagdating sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao.

55% ng mga Pinoy, naniniwalang dapat makipagtulungan gov’t sa ICC – OCTA

"The culture of impunity and violations of human rights in the Philippines are severe, which is why we need a third party or other mechanisms to ensure that cases are investigated and victims are given justice," giit ni Brosas.

"Rejoining the ICC would provide a critical mechanism for holding the government accountable, particularly concerning grave human rights abuses. Given the widespread human rights violations in the Philippines, having independent oversight and accountability mechanisms is crucial," dagdag pa niya.

Samantala, matatandaan namang iginiit kamakailan ni Marcos na itinuturing niyang “banta” sa soberanya ng bansa ang ICC at hindi umano makikipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

https://balita.net.ph/2024/01/23/pbbm-i-consider-icc-as-a-threat-to-our-sovereignty/

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.

Kasapi ang Pilipinas ng Rome Statute, na siyang bumuo ng ICC, mula pa noong Nobyembre 1, 2011. Napawalang-bisa lamang ang membership nito noong Marso 17, 2019 matapos magpadala ang bansa sa ICC ng written withdrawal notice noong Marso 17, 2018, sa instruksyon ni Duterte.