Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Pebrero 20, na inaasahang matatapos ang pag-iral ng northeast monsoon o hanging amihan sa bansa pagdating ng ikalawa o ikatlong linggo ng Marso.

Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na sa kasalukuyan ay hindi nararamdaman ng bansa ang epekto ng malamig na hanging amihan.

“Bagama’t inaasahan natin, base sa ating pinakahuling datos, na bandang weekend or early next week babalik ang bugso ng hanging amihan,” ani Badrina, habang iniulat din na bandang Marso tuluyang matatapos ang pag-iral ng naturang weather system.

Sa ngayon ay ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ang siyang nakaaapekto raw sa malaking bahagi ng bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga at Southern Leyte.

Pinag-iingat ang mga resident sa mga nasabing lugar sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posible rin umanong magdulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin daw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).