Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, Pebrero 19, na lumabas na ang subpoena laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
“Yes, the subpoena against Apollo Quiboloy is out," pag-anunsyo ni Hontiveros sa Senado nitong Lunes.
Ang naturang subpoena ay naglalayong ipatawag si Quiboloy sa Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y mga pang-aabusong ginawa ng religious group.
“We expect you, Quiboloy, to respect that subpoena and finally show up to our Senate investigation,” ani Hontiveros.
“Huwag n’yo pong ismolin ang Senado dahil hindi po kami titigil hangga’t makamit ng mga biktima ang katarungan at kapayapaan,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan naman ng senador si Senate President Juan Miguel "Migz" F. Zubiri sa paglagda sa subpoena laban sa pastor.
Matatandaang noong Enero 23, 2024 nang mag-isyu ang Senate committee on women ng subpoena laban Quiboloy matapos itong hindi sumipot sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon ng pang-aabusong kinahaharap ng grupo nito.
Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.
Samantala, kamakailan lamang ay isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.