Sinabi ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nakita umano niya ang mag-amang dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na umalis sa mansyon ni Pastor Apollo Quiboloy dala-dala umano ang mga bag na naglalaman ng mga baril.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa umano’y mga pang-aabuso ng KOJC nitong Lunes, Pebrero 18, sinabi ng witness na si alyas-Rene na dati siyang landscaper ng “Glory Mountain” ni Quiboloy.
Umalis daw siya sa religious group noong 2021 matapos umano siyang makaranas ng pang-aabuso mula mismo sa pastor.
“Kapag hindi po siya nagandahan sa aming landscape sa mansyon niya, sinasampal niya kami at hinahampas. Mga apat na beses siguro ito sa isang linggo,” saad ni Rene.
Nang nagtatrabaho pa siya kay Quiboloy, ayon kay Rene, nakikita umano niya ang pastor na may dala-dalang malalaking bag ng mga baril kapag dumadating ito sa mansyon sakay ng chopper.
Pumupunta rin umano sa naturang “Glory Mountain” ang mag-amang Duterte at umaalis na may dala na raw ng mga bag ng baril.
“Sa Glory Mountain po, ‘pag dumadating po si Quiboloy sakay ng chopper, may dala po siyang malalaking bag na ang laman po ay iba’t ibang uri ng baril. Nilalatag po ito sa tent na katabi po ng mansyon niya,” pagsasalaysay ni Rene.
“Minsan po pumupunta rin po doon si former President Rodrigo Duterte at former Davao Mayor Sara Duterte. Kapag umaalis na po sila doon sa Glory Mountain, dala na po nila ‘yung mga bag na siya pong bag na nilalagyan po ng mga baril,” dagdag niya.
Pinaalalahanan naman ni Senador Risa Hontiveros na “under oath” si Rene at muling tinanong kung makukumpirma ba niyang nakita niya ang mag-amang Duterte sa “Glory Mountain.”
“Yes po, madam chair. Nakita ko sila sa Glory Mountain,” muling saad ng dating landscaper ni Quiboloy at pinanindigang iba’t ibang uri ng baril ang nakita mismo niya sa mga bag.
Nito lamang ding Lunes nang ianunsyo ni Hontiveros na lumabas na ang subpoena laban kay Quiboloy kaugnay ng imbestigasyon ng Senate committee on women sa umano’y mga pang-aabusong ginawa ng KOJC.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), kasalukuyang nasa Pilipinas si Quiboloy.