Binigyang-pagkilala ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang 10 kawani nito na nagpamalas ng dedikasyon at katapatan sa kanilang trabaho.
Sa ginanap na flag ceremony sa LRTA Depot nitong Lunes nabatid na kabilang sa mga pinarangalan sina Julius Futo, Shirley Molina, Angelita Jalmasco, Mark Anthony Agir, Jay Ar Santos, Maria Ghea Almodiel, Christoferzon Frilles, Melrose Bautista, Carol Migallos at Rudy Macaraeg.
Ayon sa LRTA, si Futo ng Variance Security Agency Corporation ay pinarangalan matapos na isauli ang nawalang kwintas ng isang pasahero sa Marikina Station.
Si Molina naman ay binigyan din ng pagkilala matapos ibalik ang nawalang gamit ng isang pasahero at masigasig na pagpapanatili ng kalinisan ng mga comfort room sa Betty Go Station.
Sina Jalmasco, Agir, Santos, at Almodiel ay ginawaran din naman ng parangal matapos makatanggap ang ahensya ng papuri sa kalinisan ng Katipunan Station.
Sina Frilles, Bautista, Migallos at Macaraeg ay nakatanggap rin ng pagkilala kasunod ng pagkakasauli rin ng isang gamit ng pasahero sa Recto Station.
"Magandang halimbawa ang ginawa ng ating mga kawani at umaasa tayo na ipagpapatuloy ang pagiging tapat at tunay na kawani ng bayan," ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.
Ang LRTA ang siyang nangangasiwa sa operasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na siyang nagdudugtong sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Antipolo City sa Rizal.