Magandang balita dahil aabot sa higit 132,000 minimum wage earners sa Davao Region at higit 64,000 kasambahay ang inaasahang makikinabang sa taas-sahod, alinsunod sa wage orders na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Region XI (RTWPB-XI Davao).

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), inisyu ng RTWPB-XI Davao ang Wage Order No. RB XI-22 noong Pebrero 13, 2024, na nagpapahintulot sa pagpapatupad ng ₱19 daily increase para sa kabuuang 132,347 minimum wage earners sa rehiyon, sa sandaling maging epektibo na ito sa Marso 6, 2024, at madaragdagan pa ito ng panibagong ₱19 bilang second tranche sa Setyembre 1, 2024, o kabuuang P38 kada araw na umento sa sahod.

Nabatid na sa sandaling fully implemented na ang naturang wage hike, ang daily minimum wages para sa rehiyon ay magiging P481 na para sa non-agriculture sector mula sa dating ₱443 lamang.

Mula naman sa dating ₱439 lamang ay aabot sa ₱476 ang sahod ng mga manggagawa na nasa agriculture sector.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“About 316,558 full-time wage and salary workers earning above the minimum wage may also indirectly benefit as a result of upward adjustments at the enterprise level arising from the correction of wage distortion,” ayon pa sa DOLE.

Samantala, batay naman sa Wage Order No. RB XI-DW-03, nabatid na tataasan ang monthly minimum wage ng mga kasambahay ng ₱500 hanggang ₱1,500, depende sa lugar na kinaroroonan nila.

Ang monthly wage rate para sa chartered cities at first-class municipalities sa rehiyon ay magiging ₱6,000 mula sa dating ₱4,500 lamang at ₱5,000 naman para sa ibang munisipalidad, mula sa dating ₱4,500 lamang.

Ayon sa DOLE, ang naturang wage increase ay inaasahang pakikinabangan ng aabot sa 64,111 kasambahay, kabilang ang 23,479 o 37% na nasa live-in arrangement.

Nabatid na ang naturang mga wage orders ay isinumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa rebyu at kinatigan naman noong Pebrero 16, 2024.

Inilathala ito ngayong Pebrero 19, 2024, Lunes, at inaasahang magiging epektibo matapos ang 15-araw, o sa Marso 6, 2024.