Naglabas ng opisyal na pahayag ang alkalde ng lungsod ng Baliwag (o Baliuag) sa Bulacan na si Mayor Ferdie Estrella kaugnay ng February 14 episode ng seryeng "Abot Kamay na Pangarap" ng GMA Network, na pinagbibidahan ni Jillian Ward.
Hindi umano nagustuhan ng mayor ang paggamit sa salitang "Baliwag" bilang balbal na salitang pamalit para sa salitang "baliw" o nasisiraan ng bait.
Nalulungkot daw ang mayor dahil nagpapakita raw ito ng kakapusan sa kaalaman at kawalan ng sensibilidad sa mahahalagang isyu.
Sa pangalawang talata ay ipinaliwanag ng alkalde ang origin o etimolohiya ng pinagmulan ng pangalan ng bayan. Ang salitang "baliuag" daw ay isang matandang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay "malalim." Hindi raw ito nagmula sa salitang baliw.
Isa pang punto, hindi raw dapat ginagawang katatawanan ang pagiging isang baliw. Ang lungsod daw ay isa sa mga nagsusulong at nagtataguyod ng adbokasiya patungkol sa mental health.
Kinokondena raw ng mayor ang scriptwriter ng nabanggit na serye, na tinawag niyang "iresponsable."
"Nawa ay hindi na ito maulit, magsilbing aral, at makalikha ng kamalayan para sa mga susunod pa na palabas at iba pang pagtatanghal."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga nasa likod ng AKNP gayundin ang GMA Network tungkol sa usaping ito.