Naibenta sa halagang ₱250,000 ang kabaong na ginamit ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa blockbuster movie nila ng kaniyang asawang si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera na “Rewind.”
Sa latest episode ng “Pinoy Pawnstars” na inilabas nitong Biyernes, Pebrero 16, nagtungo sa shop ni Boss Toyo ang Funeral homes businessman na si Pasky Ilagan mula sa St. Athanasius Memorial Chapel sa San Andres Bukid, Maynila, para ibenta ang ataul na hiniram daw ng Rewind at ginamit ni Dingdong sa pelikula.
Ipinakita rin ni Ilagan ang isang video ng aktuwal na paghiga ni Dingdong sa naturang metal casket habang shinu-shoot ang “Rewind.”
Ayon kay Ilagan, normal daw nilang naibebenta ang ganoong klase ng kabaong sa halagang ₱350,000 kasama na ang serbisyo mula sa kanilang punerarya.
Nang tanungin naman ni Boss Toyo kung magkano nila ito binibenta, unang pinresyo ni Ilagan ang isang milyon dahil na rin sa sentimental value nito.
“Unang-una walang pirma ni Dingdong. Kung ‘yan may pirma ni Dingdong sana,” saad naman ni Boss Toyo, sabay tawad ng ₱200,000.
Matapos ang sumunod na tawaran ng magkabilang panig, nabili rin ni Boss Toyo ang kabaong sa napagkasunduang halaga na ₱250,000.
Nanawagan naman si Boss Toyo kay Dingdong na bumisita sa kaniyang shop para pirmahan ang hinigaan nitong kabaong.
“Sir Dingdong, alam ko nanonood ka lagi ng ‘Pinoy Pawnstar.’ So nandito sa harapan ko 'yung hinigaan mo sa ‘Rewind.’ I hope 'pag nagkasundo kami ni sir, pasyalan mo naman ako sa aking munting shop at nang mapirmahan natin ito,” ani Boss Toyo.
Matatandaang inihayag ng Star Cinema kamakailan na ang “Rewind” na ang “highest-grossing Filipino movie of all time matapos itong tumabo ng halos isang bilyon.
Tinalbugan ng pelikula ang kinita ng “Hello Love Goodbye” nina Kathryn Bernardo at Alden Richards noong 2019 na ₱881 million.
Dahil din sa “Rewind,” kinilala si Dingdong, kasama si “Mallari” star Piolo Pascual, bilang “Best Actor” sa kauna-unahang Manila International Film Festival (MIFF) sa Los Angeles, California.