Nakatakda nang idaos sa Sabado, Pebrero 17, ang taunang Walk for Life, na inorganisa ng Council of the Laity of the Philippines.
Nabatid na ang programa ay idaraos sa grandstand ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila.
“We will raise awareness on important life issues and the call for the defense of the unborn,” ayon kay Bishop Severo Caeremare, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, sa isang pahayag sa CBCP website.
Ang tema ng aktibidad ngayong taon ay “Together, We Walk for Life,” at magiging keynote speaker si Bernard Cañaberal ng Pro-Life Philippines.
Bubuksan ang programa sa pamamagitan ng isang banal na misa, na pangungunahan mismo ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, kasama sina CBCP president Bishop Pablo Virgilio David at Bishop Caermare.
Bago ang programa, inaasahang libu-libong kalahok ang maglalakad sa España Boulevard, dakong alas-4:00 ng madaling araw, mula sa Welcome Rotonda hanggang sa UST sa España Boulevard, habang dinarasal ang banal na rosary.
Ang Walk for Life na pinangungunahan ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ay unang idinaos noong 2017 bilang tugon sa drug war killings sa bansa, gayundin sa panukalang muling buhayin ang death penalty.
Simula noon ay naging taunang aktibidad na ito na naglalayong isulong ang pagprotekta sa buhay ng tao at pamilya mula sa mga banta ng aborsyon, diborsiyo at same-sex unions.