“Sorry, ‘di ako umabot…”
Hindi na napigilan ng isang tatay sa Sta. Cruz, Maynila ang pagtulo ng kaniyang mga luha matapos niyang makita ang kaniyang apat na alagang aso na wala nang buhay dahil sa nangyaring sunog nitong Huwebes ng tanghali, Pebrero 15.
Sa panayam ng ABS-CBN News, sinariwa ni Tatay Rolly kung gaano naging sweet at mabuti ang kaniyang mga aso bilang bahagi ng kanilang pamilya.
“Kapag lumalabas ako sa umaga kasi bibili akong kape, lalabas din sila, sabay-sabay. Tapos kapag sinabi kong ‘pasok na’, mabilis silang pumapasok,” pagbabalik-tanaw ni Tatay Rolly.
Hindi naman daw niya lubos na akalaing papanaw ang kaniyang mga alaga dahil sa sunog.
“Sorry, ‘di ako umabot eh, kung maaga lang akong nakaabot…,” naluluhang mensahe niya sa kaniyang mga alaga.
“Sumusunod lang kasi ako eh (sa direktiba ng mga awtoridad), kung pinilit kong pumasok kanina, masasalba ko sana sila kahit may apoy… ‘yung mga bombero tinatanong ko kung may tumatahol pa eh,” saad pa niya.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang nasabing sunog sa ikalawang palapag ng tahanang matatagpuan sa 4070 Fugoso St., sa Sta., Cruz, Maynila dakong 11:23 ng tanghali nitong Huwebes.
Dahil dito, pitong katao umano ang nasugatan habang tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng tahanan.