Pitong katao ang nasugatan habang tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes ng tanghali.
Kabilang sa iniulat na nasugatan sa sunog ay sina Bejay Aballa, 21; Renzo Aballa, 15; Ben Ben Gareia, 14; at Nash Opena, 20, na pawang nilapatan ng lunas ng EMS Sampaloc.’
Sugatan din sina Jingoy Kayo, 28, at Maybel Salcedo, 30, na nilunasan naman ng Raha Volunteers habang ang Philippine Red Cross (PRC) naman ang tumulong kay Urmenia Opeña, 22, na nakaranas nang hirap sa paghinga.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-11:23 ng tanghali ng Huwebes nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanang matatagpuan sa 4070 Fugoso St., sa Sta., Cruz, at pagma-may-ari umano ni Eliseo Apalacio.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire under control dakong alas-12:04 ng tanghali at tuluyang naapula dakong alas-12:40 ng hapon.
Ayon sa BFP, aabot sa 50 tahanan ang tinupok ng apoy at 100 pamilya o 200 indibidwal ang nawalan ng tahanan dahil dito.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P50,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
Inaalam pa umano nila ang posibleng pinagmulan ng sunog.