Ilang seryosong katanungan ang nagsulputan sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms hinggil sa ongoing na bidding process para sa makinang gagamitin sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ito’y matapos na ibunyag ng isang resource speaker na isang prototype machine ang isinumite ng Miru System, na lone bidder sa proyekto, sa post-qualification process, at hindi pa nasusuri at mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng Pilipinas.
Binatikos naman ni dating Caloocan Representative Edgar Erice ang Miru dahil sa pagpiprisinta ng isang prototype machine para sa ebalwasyon ng Comelec, dahil ito’y paglabag aniya sa batas.
“This machine is a prototype. It has never been used in any elections. In Congo, they used a DRE machine. In Iraq and in Korea, they used an Optical Mark Reader (OMR) machine. And this combination of OMR and DRE machines has never been tested in any elections,” ani Erice.
“We will be a Guinea Pig for this particular kind of machine,” dagdag pa niya, at sinabing, “Republic Act 9369 prohibits this. We cannot use prototype machines in automated elections.”
Sa ilalim ng Republic Act 9369, o The Election Automation Law of 2007, nire-require na ang sistemang bibilhin ay dapat na nakapagpakita na ng kakayahan at matagumpay na nagamit sa mga naunang electoral exercise dito sa bansa o sa ibayong dagat.
Kinumpirma naman ng kinatawan ng Miru na ang ACM na isinumite nila para sa post-qualification evaluation ay custom-manufactured nga, upang maabot ang mga requirements na itinatakda ng Commission on Elections (Comelec), at sinabing ang naturang modelo ay hindi pa nila nagagamit.
Gayunman, binigyang-diin nito na ang ACM ay gumamit ng mga teknolohiya na dati nang matagumpay na nagamit sa halalang idinaos sa Democratic Republic of the Congo (DRC).
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon, una nang binalaan ng election watchdog na Democracy Watch ang Comelec sa track record ng Miru, hinggil sa mga kabiguan nito sa DRC.
Pagkatapos ng halalan noong Disyembre 19, 2023 sa DRC, mas maraming alalahanin ang ipinahayag ng mga mapagkakatiwalaang institusyon—kabilang ang Carter Center, ang National Episcopal Conference of Congo (CENCO), at ang Church of Christ in Congo (ECC).
Binigyang-diin ng mga institusyong ito na 45.1% ng mga istasyon ng botohan ay nakaranas ng mga problema sa mga electronic voting machine na ibinigay ng Miru, na nagresulta sa malaking pagkaantala at kalituhan sa mga botante.
Sa Iraq, nasa 70% umano ng mga voting stations ang naharap sa isyu dahil sa mga gamit ng Miru sa unang round ng botohan, na nagresulta sa manu-manong bilangan ng boto.
Nabatid na ang mga impormasyong ito ay mula sa Alliance of Networks and National Organizations for Monitoring Elections.
Samantala, nagbabala naman si Erice, na ngayon ay regional chair ng political party na Aksyon Demokratiko, na kung pahihintulutan ng Comelec ang paggamit ng mga naturang untested prototype, ay posibleng maharap sila sa legal suit na magreresulta sa Court ruling laban dito at maglalagay sa alanganin sa halalan.
Sinabi naman ni Kabataan Representative Raoul Manuel na ang mga civic groups at organizations ay mayroong malakas at balidong concern sa track record ng Miru.
“There really is a reason for worry. We hope Comelec commits to incorporating all the comments from the resource persons in its decision regarding the post-qualification process. The stakes are high. We cannot downplay these worries,” dagdag pa ni Manuel.
Isang resource person naman mula sa watchdog na Kontra-Daya ang naglabas ng isyu hinggil sa performance ng Miru sa Argentina, na aniya ay “very concerning.”
“Some NGOs and cybersecurity professionals found vulnerabilities in the Miru machines that made them susceptible to manipulation. They found numerous entry points that bad actors could exploit to manipulate the vote count,” anang Kontra-Daya.
Nilinaw naman ni Representative Maximo Jr. Y. Dalog ng Lone District ng Mountain Province, na siyang chairman ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na wala pang garantiya na ang Miru ang makakakuha ng kontrata dahil ang SBAC ay kailangan pang gumawa ng mga rekomendasyon, at sasailalim sa rebyu ng Comelec en banc.