Nawawala ang tatlong mangingisda matapos magkaaberya ang kani-kanilang bangka sa Calatagan at Tingloy sa Batangas, kamakailan. 

Sa pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang sa mga nawawala sina Wilbert Binay, 45, Edgar Glen Binay, 42, at Harvey Gadbilao.

Nauna nang sinabi ni Catalino Binay, barangay kagawad ng San Juan, Batangas, na nawawala sina Wilbert at Edgar matapos tumaob ang sinasakyang bangka habang nangingisda sa Brgy. Makawayan, Tingloy nitong Pebrero 12, dakong 5:00 ng hapon.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nawawala naman si Gadbilao matapos silang tumalon mula sa fishing boat na Jazzyly, kasama sina Johnmar Fronda, 19, at Mandy Calimag, 24, pawang taga-Brgy. Sta Ana, Calatagan, Batangas nitong Pebrero 12, dakong 8:00 ng gabi, sa takot na mabangga sila ng isang barko.

Sina Fronda at Calimag ay nailigtas ng mga dumaang mangingisda, ayon sa Coast Guard.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin ang search and rescue operation ng BRP Malapascua sa bisinidad ng Brgy. Gulod, Quilitisan, Carretunan, at Balibago, Calatagan, at sa karagatang bahagi ng Brgy. Makawayan sa pag-asang matagpuan ang tatlong mangingisda.