Nauwi sa kaguluhan ang misa para sa Ash Wednesday sa isang simbahan sa Barangay Tungkong Mangga, City of San Jose Del Monte, Bulacan ngayong Miyerkules, pebrero 14, dahil sa pag-collapse o pagkasira ng bahagi ng ikalawang palapag ng simbahan.
Ayon sa panayam sa isang saksi at isa sa mga nagsimba na si Ludelen Ogario, nakapila na ang mga tao para magpalagay ng abo sa noo nang makarinig sila ng ingay na tila lumalangitngit o nasisira.
Maya-maya, nawasak na nga ang right wing ng ikalawang palapag ng Parokya ni San Pedro Apostol.
Dahil sa gulat at takot ng mga nasa ilalim ng palapag, nagtakbuhan sila palabas ng simbahan. Ang ilang nasa taas naman ng nasirang bahagi ng ikalawang palapag ay nahulog daw, habang ang ilan ay nanatiling kalmado at kumapit.
Overloading ang itinuturong dahilan kung bakit nag-collapse ang kanang bahagi ng second floor dahil sa dami ng mga taong dumalo sa misa para sa Ash Wednesday.
Isang netizen naman na nagngangalang "Eugene Nolasco" ang nagbahagi ng ilang kuhang video mula sa aktuwal na pagguho at aftermath nito.
Dinala naman sa ospital ang ilang mga nasaktan. Wala namang naitalang namatay habang isinusulat ang balitang ito.