Ngayong Araw ng mga Puso, hindi ka dapat malungkot o madismaya kung wala kang matatanggap na bulaklak, o wala kang ka-date, hindi naman ibig sabihin no'n walang nagmamahal sa'yo.
Tuwing Araw ng mga Puso, Pebrero 14, tradisyon o nakasanayan na talaga ng mga tao ang pagbibigay ng mga bulaklak at tsokolate sa kanilang minamahal sa buhay--na sumisimbolo raw sa pag-ibig.
Sa panahon ngayon, dahil nga tradisyon na ito, minsan dito na sinusukat ng tao ang kahulugan ng "pag-ibig." Kaya kapag walang natanggap na bulaklak, tsokolate, o regalo naiisip nilang hindi sila espesyal o hindi sila minamahal.
Dahil binabasa mo ito, gusto ko lang sabihin na:
May bulaklak man o wala, ikaw ay minamahal.
May tsokolate man o wala, ikaw ay mahalaga.
May regalo o surpresa man o wala, ikaw ay espesyal.
At saka, bago ka pa man mahalin ng pamilya mo o ng taong espesyal sa'yo, may Una nang nagmahal sa'yo--walang iba kundi ang Diyos na buhay.
Pinatunayan Niya ang pagmamahal na 'yon nang isugo Niya ang kaisa-isa Niyang anak na si Hesus upang mamatay sa krus para mapatawad ang ating mga kasalanan.
Kung pakiramdam mo walang nagmamahal sa'yo at hindi mo maramdaman ang tunay na pag-ibig, nawa mapaalalahanan ka ng krus na may nagmamahal sa'yo. At maging rason din ito para maramdaman mo ang totoong kahulugan ng pag-ibig, hindi lamang ngayon, kundi habambuhay.
Siya ay Diyos ng pag-ibig.
(Basahin: 1 Juan 4:10-11, Juan 3:16)
May bulaklak man o wala, kamahal-mahal ka, okay?