Naglunsad ng 'career guidance orientation' program ang Manila City government para sa lahat ng senior high school (SHS) students sa lungsod, ayon kay Mayor Honey Lacuna.

Nabatid na inatasan ni Lacuna si Fernan Bermejo, pinuno ng public employment service office (PESO) na pangunahan ang programa na naglalayong i-educate ang mga SHS students at gabayan sila patungo sa kursong nais nilang ipagpatuloy sa kolehiyo o 'di kaya ay magsimula ng negosyo o maghanap na ng trabaho.

Ayon kay Bermejo, masasakop ng programa ang nasa 9,000 estudyante mula sa kabuuang 27 paaralan.

Alinsunod sa kautusan ng alkalde, sinabi ni Bermejo na ang seminar, na isasagawa sa loob ng isang buwan, ay isang whole-day affair at libreng ipagkakaloob sa mga kalahok, na bibigyan rin ng libreng pagkain.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi pa ni Bermejo na nasa 500 estudyante ang nakinabang na sa naturang career guidance orientation na idinaos sa Raja Soliman Science and Technology High School kamakailan.

Ang proyekto ay naging posible dahil sa koordinasyon nila sa Department of Labor and Employment, Division of City Schools of Manila at school management.

"Isinagawa ang nasabing orientation upang gabayan at ihanda ang ating mga mag-aaral sa senior high school kung anong career path ang mga posible nilang tahakin tulad ng pagtuloy sa pag-aaral sa kolehiyo, pagtatrabaho at pagnenegosyo," dagdag pa ni Bermejo.

Samantala, sinabi ni Lacuna na ang pagsusumikap ng city government na makapagkaloob ng trabaho ay tuluy-tuloy at kasama rin sa makikinabang dito ang mga senior citizens at persons with disability (PWDs).

Bukod aniya sa mga job fairs na regular na isinasagawa ng PESO sa iba’t ibang lugar, tumutulong rin ang lokal na pamahalaan na magbigay ng trabaho sa pamamagitan ng kanilang help desks sa tuwing nagdaraos ng "Kalinga sa Maynila" sa mga barangay.

Ang "Kalinga sa Maynila" ay isang regular forum na isinasagawa ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna mismo ni Lacuna, kasama ang mga pinuno ng mga departmento, tanggapan at mga bureaus na ang pangunahing serbisyo ay pinakakailangan ng mga residenteng nagtutungo sa Manila City Hall.