Wala ka bang ka-date na tao ngayong Valentine's Day? Bakit hindi ka na lang makipag-blind date... sa mga aklat!
Patok sa netizens ang paandar ng School of Saint Anthony (SSA), isang pribadong paaralan sa Lagro, Quezon City, dahil sa dalawang gawain sa kanilang library para sa Valentine's Day.
Ito ay "Blind Date With a Book" at "Book Speed Dating" na eksklusibo lamang para sa kanilang mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.
"NO VALENTINE'S DATE?
No worries! Try your chance on Love
.
.
.
of READING!
Visit the SSA Main Library to participate in the BLIND DATE WITH A BOOK and BOOK SPEED DATING. ❤️
Please do not forget to bring your reading passport. See you, Anthonians!," saad sa Facebook page ng kanilang silid-aklatan.
Nakasaad naman dito ang mechanics ng kanilang dalawang pakulo.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Agnes Balicudcud, Library and IMC Coordinator ng paaralan, ito raw ay inadapt ng SSA sa iba pang mga paaralang nauna nang gumawa nito. Isinasagawa na rin ito ng mga paaralan at silid aklatan sa Pilipinas at sa ibang bansa. Layunin nitong itampok ang pagmamahal sa pagbasa.
"Itong Blind Date with a Book ay hindi naman original na idea. Ito ay ginagawa na rin ng iba pang mga Libraries tuwing Valentine's Day dito sa Pilipinas at pati na rin sa ibang bansa. Ang goal nito ay mai-promote ang book collection ng library sa ibat-ibang subject at genre. Makakatulong din ito para ma-explore ng mga mambabasa o para sa amin dito sa SSA, mga mag-aaral yung iba't ibang books."
"May mga pagkakataon kasi na kapag may nagugustuhan tayong kwento o genre ng book, iyon at iyon na lang ang ating binabasa. Nagiging comfort zone natin ito. Kaya itong Blind Date with a Book ay isang magandang avenue para tuklasin, ano pa ba ang magandang basahin, ano pa ba ang pa ba ang maaaring malaman at matutunan habang nagbabasa."
Bilang pinuno ng library ng isang paaralan at literal na nakahahalubilo ang mga aklat at iba pang babasahin sa araw-araw, naniniwala si Balicudcud na mahalagang mapaunlad ang pagmamahal ng mga mag-aaral sa pagbabasa.
"Sabi nga ng kilalang author na si Dr. Seuss, 'The more that you read, the more you will know. The more that you learn, the more places you'll go.'"
"Mahalagang ma-develop natin ang love of reading, sa ating sarili at sa mga mag-aaral. Yung mga kaalaman at saya na nararamdaman natin kapag nagbabasa, walang makakakuha nito pero pwede natin ibahagi sa iba. Ang pagbabasa ay nakakatulong para mapalago natin ang ating kaalaman, at ang ating karakter bilang tao," aniya pa.
Nagpapasalamat si Balicudcud sa collective efforts ng mga kasamahang librarians na sina Joan Mangahas at Love Joy Panchito, upang mapagplanuhan, maisagawa at mapangasiwaan nila ang dalawang pakulo para sa kanilang paaralan.
Matatandaang ipino-promote ng Department of Education (DepEd) ang pagmamahal sa pagbasa sa pamamagitan ng "Catch-up Fridays" kung saan, ang unang gawain ay "Drop Everything And Read" o DEAR.
Nagbigay naman ng mungkahi ang award-winning writer at propesor na si Genaro Gojo Cruz kung paano ito isasagawa nang maayos, nang hindi lumilihis sa tunay na layunin nito.
MAKI-BALITA: ‘Catch-up Fridays’ iwasang maging party, mala-palarong pambansa
Magandang ideya ito, hindi ba?
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!