Isang 80-anyos ang nasawi habang nasa higit 50 ang nasaktan at dinala sa pagamutan sa naganap na pagguho ng bahagi ng ikalawang palapag ng Parokya ni San Pedro Apostol sa Barangay Tungkong Mangga, City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa X post ni Joseph Morong ng GMA News, kinumpirma ni CSJDM Mayor Arthur Robes na isang nagngangalang "Luneta Morales" ang nasawi mula sa trahedya habang nasa 52 ang nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan, na ginagamot na sa ospital.

https://twitter.com/Joseph_Morong/status/1757624103698366481

Sa kaniyang Facebook post ay personal na nagsadya ang alkalde upang makita ang kaganapan sa nabanggit na simbahan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Personal po nating tinungo at inaalam ang sitwasyon sa nangyaring aksidente dito St. Peter Apostle Parish Church, Tungkong Mangga ngayong umaga," anang Robes.

"Agad pong rumesponde ang ating San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, CTM SCOG, CHO, at CDRRMO."

"Ipinagagamot din po natin ang mga kababayan nating nasugatan at naapektuhan dahil sa pangyayaring ito. Mag-uupdate po tayo at magbibigay ng buong detalye maya maya lamang. Maraming Salamat at mag-ingat po tayong lahat."

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita sa isang saksi at nagsimba nang mga sandaling iyon na si Ludelen Ogario, nakapila na raw ang mga tao para magpalagay ng abo sa noo nang makarinig sila ng ingay na tila lumalangitngit o nasisira.

Maya-maya, nawasak na nga ang right wing ng ikalawang palapag ng simbahan.

Dahil sa gulat at takot ng mga nasa ilalim ng palapag, nagtakbuhan sila palabas ng simbahan. Ang ilang nasa taas naman ng nasirang bahagi ng ikalawang palapag ay nahulog daw, habang ang ilan ay nanatiling kalmado at kumapit.

Overloading ang itinuturong dahilan kung bakit nag-collapse ang kanang bahagi ng second floor dahil sa dami ng mga taong dumalo sa misa para sa Ash Wednesday.

MAKI-BALITA: Simbahan sa Bulacan, gumuho second floor; ilang katao, nasaktan

Ayon naman daw sa kura paroko ng simbahan na si Father Romulo Perez, napag-alamang inaanay na raw ang mga kahoy na materyales ng nabanggit na palapag, at hindi nito kinaya ang dagsa ng mga tao dahil sa espesyal na misa para sa pagsisimula ng lent.

Ipagpapaliban muna ang pagsasagawa ng misa sa nabanggit na simbahan habang iniimbestigahan pa ang mga pangyayari at ginagawa pa ang nawasak na palapag.