Mapapanood nang libre ang dalawang mahuhusay na pelikulang “GomBurZa” at  “Kita Kita” sa The Manila Metropolitan Theater (MET) sa darating na Pebrero 17 at 18.

Sa official Facebook page ng GomBurZa nitong Miyerkules, Pebrero 14, sinabi roon na isa raw pag-alala sa kabayanihan ng tatlong paring martir ang isasagawang free public screening ng pelikula ni Pepe Diokno sa Pebrero 17 sa ganap na ika-2 ng hapon.

“Nakikiisa ang #JescomFilms, #MQuestVentures, at #CMBFilmServices sa National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission of the Philippines, Local Historical Committees Network, at The Metropolitan Theater, sa paghandog sa “KaSAYSAYan sa MET” ng #GomBurZaFilm!” saad nila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod sa libreng public screening, magkakaroon din ng talkback session kasama sina Cedrick Juan, Pepe, Rody Vera, Xiao Chua, at marami pang iba.

Samantala, sa Pebrero 18 naman ay ipagpapatuloy ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang pagdiriwang ng Feb-ibig sa pamamagitan ng screening ng “Kita Kita” na idinirek ni Sigrid Andrea Bernardo.

Gaganapin din sa MET ang nasabing free public screening sa ganap na ika-2 rin ng hapon. 

Matatandaang isa ang “GomBurZa” sa may pinakamaraming nahakot na parangal sa ginanap na 2023 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.

Itinanghal naman bilang Movie of the Year sa ginanap na 34th Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Movies ang “Kita Kita” noong Pebrero 2018.