Masusi nang iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang umano’y hacking incident na naganap sa isa sa kanilang regional offices.
Tumanggi pa muna si DepEd Undersecretary at spokesperson Michael Poa na tukuyin kung saan matatagpuan ang naturang regional office.
Gayunman, tiniyak niya na nagsasagawa na sila ng beripikasyon dito.
Inatasan na rin aniya nila ang kanilang mga field offices na magsagawa ng diagnostics at alamin kung insidente nga ba ng hacking ang naganap.
Ayon kay Poa, kabilang sa mga tutukuyin ay kung posibleng nagkaroon ng data breach at kung nakumpromiso ang mga personal na impormasyon ng kanilang mga guro at mga estudyante.
Tiniyak din niya na kaagad silang maglalabas ng impormasyon hinggil sa insidente sa sandaling may makuha na silang detalye mula sa kanilang Regional and Division Information Officers.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa insidente.