Sa mga may jowa at ex-jowa (dahil asawa na), naranasan ninyo na bang maaway ng misis o mister ninyo dahil sa nakalagay na pangalan sa cup o basyo ng drinks na inyong binili?
Viral kasi sa TikTok ang video ng nagngangalang "Nate Tan" matapos niyang i-flex ang pang-aaway at pagseselos sa kaniya ng misis, dahil sa nabasang pangalan ng bebot o babae sa basyo ng tea na binili ng mister.
Ang nakalagay na pangalan ay "JASMINE."
Kalimitan kasing inilalagay ng mga barista ang pangalan ng may-ari o customer sa cup bilang palatandaan.
Muntik nang mag-outside de kulambo ang mister nang uriratin na siya ng misis kung sino si Jasmine.
"Wala ka talagang pagbabago," sabi sa kaniya ng misis na si She.
Sa panayam ng GMA News sa mag-asawa, napag-alamang ang pangalang "Jasmine" ay hindi pangalan ng kung sinomang "kabit" ni Nate.
Ito raw ang pangalan ng flavor ng tea. Jasmine Tea raw pala ang pangalan ng tea na binili ni Nate.
Aminado si Nate na noong una, nagtaka rin siya sa nakasulat na pangalang Jasmine pero ipinagwalang-bahala na lamang ito at hindi na nilagyan ng isyu.
Hindi naman niya akalaing pagmumulan pala ito ng pagseselos ng misis at pang-aaway nito sa kaniya.
Sa kabila daw nito ay maayos pa rin naman ang relasyon nila at sanay na sila sa "kulit" ng isa't isa.
Hindi raw maiiwasan kay She na magselos dahil nooong bata-bata pa sila ay madalas nilang pinag-aawayan ito, pero sa pagdaan ng panahon, lalo't may mga anak na sila, nakasanayan na nila ang "kakulitan" ng bawat isa.
Tila ito na nga raw ang naging paraan ng lambingan nilang mag-asawa.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong istorya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!