Sa Miyerkules, Pebrero 14, ay 100 years old na si Juan Ponce Enrile. Sa gitna ng kaniyang isang siglong edad, narito ang listahan ng mga naabutan niyang mga pangulo ng Pilipinas.
Ipinanganak si Enrile sa Gonzaga, Cagayan noong Pebrero 14, 1924. Anak siya nina Alfonso Ponce Enrile at Petra Furugganan.
MAKI-BALITA: Isang siglong Enrile
Emilio Aguinaldo (1899-1901)
Dahil ipinanganak si Enrile noong 1924, hindi niya naabutan ang pamumuno ng pinakaunang kinikilalang pangulo ng bansa. Gayunpaman, naabutan pa niya itong buhay.
Sa katunayan, nasa 40 anyos na umano si Enrile nang mamatay si Aguinaldo noong 1964.
Manuel Quezon (1935-1944), Jose Laurel (1943-1945), at Sergio Osmeña Sr. (1944-1946)
Nang umupo si Manuel L. Quezon bilang pangulo ng bansa noong 1935, si Enrile ay nasa 11 taong gulang. Ayon sa mga ulat, nagtapos ng elementarya at sekondarya si Enrile habang nagtatrabaho umano bilang isang road construction worker dahil sa hirap ng buhay.
Pagkatapos ng kaniyang high school, tinulungan siya ng kaniyang tatay na si Don Alfonso Enrile para makapagtapos ng kolehiyo.
Manuel Roxas (1946-1948)
Sa panahong ito ay nag-aaral si Enrile ng Associate in Arts sa Ateneo de Manila, kung saan nagtapos siya bilang Cum Laude noong 1949.
Elpidio Quirino (1948-1953)
Sa mga taong ito, isang law student si Enrile sa University of the Philippines at nagtapos bilang salutatorian noong 1953.
Ramon Magsaysay Sr. (1953-1957)
Kumuha ng post-graduate studies si Enrile sa Harvard Law School, kung saan nakatanggap siya ng Master of Laws degree noong 1955. Kinuha niya rito bilang specialization ang taxation at corporate reorganization.
Sa panahon ding ito naging full-fledged lawyer si Enrile. Hindi man daw siya ang naging top sa 1954 bar exam, nakatanggap naman siya ng napakataas na marka. Naging daan ang kaniyang pagiging abogado para sa kaniyang financial independence.
Carlos Garcia (1957-1961)
Sa mga taong ito ay nagpatuloy ang pagpa-practice ni Enrile ng abogasya. Nagsilbi rin siyang propesor ng Law sa Far Eastern University - College of Law.
Diosdado Macapagal (1961-1965)
Nagpatuloy ang pagiging propesor ni Enrile hanggang 1964 at abogado hanggang 1966.
Ferdinand Marcos (1965-1986)
Sa mga panahong ito, Enero 1966, nagsimula ang karera ni Enrile sa public service kung saan nagsilbi siya bilang Undersecretary of the Department of Finance, Chairman ng Board of Directors ng Philippine National Bank. Naging Acting Head din siya ng Insurance Commission, Acting Commissioner ng Customs. Bukod dito, naitalaga rin siya bilang Acting Secretary ng Finance at Chairman ng Monetary Board of the Central Bank of the Philippines.
Hindi lang iyan, mula Disyembre 1968 hanggang Agosto 1971 ay nagsilbi siya bilang Kalihim ng Department of Justice. Pagkatapos nito, naging kalihim naman siya ng National Defense hanggang Agosto 1971. Nare-appoint siya bilang Secretary of Defense noong Enero 1972.
Samantala, pinangunahan din ni Enrile ang EDSA People Power Revolution noong 1986 na nagpatalsik sa rehimeng Marcos.
Corazon Aquino (1986-1992)
Sa panahong ito unang sumabak si Enrile sa Senado. Ang kaniyang unang termino bilang senador ay mula 1987 hanggang 1992, kung saan nagsilbi siya bilang nag-iisang Minority sa Senado.
Fidel Ramos (1992-1998)
Nagsilbi naman dito si Enrile bilang mambabatas ng Kamara mula 1992 hanggang 1995. Pagkatapos nito, muli siyang naging senador para sa kaniyang ikalawang termino mula noong 1995, kung saan naitalaga siya bilang Chairman ng Committees on Ways and Means, and Government Corporations and Public Enterprises.
Joseph Estrada (1998-2001)
Sa panahong ito nagpatuloy ang pagiging senador ni Enrile hanggang 2001.
Gloria Macapagal Arroyo (2001-2010)
Bagama’t hindi siya pinalad noong 2001 senatorial elections, muling naging senador sii Enrile nang muli siyang manalo noong 2004. Naitalaga rin siya bilang Vice Chairman ng Committees on National Defense and Security, and Banks, Currencies and Financial Institutions at miyembro ng 15 iba pang standing committees, kabilang na ang Foreign Relations, Blue Ribbon, Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws, at Public Order and Illegal Drugs.
Naging Senate President siya mula 2008 hanggang 2010.
Benigno Aquino III (2010-2016)
Sa panahong ito ay muling nagsilbi si Enrile bilang Senate President mula 2010 hanggang 2013. Samantala, nag-resign siya sa naturang posisyon noong Hunyo 5, 2013 matapos ilantad ni dating Senador Miriam Defensor-Santiago ang umano’y anomalya sa paggamit ng pondo ng Senado.
Sa edad na 90, nakulong si Enrile noong 2014 dahil sa kinasangkutang plunder cases kasama sina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla, ngunit nakalaya rin siya agad dahil sa humanitarian reasons kaugnay ng kaniyang edad at kalusugan.
Rodrigo Duterte (2016-2022)
Sa pagtatapos ng kaniyang termino noong 2016, inanunsyo ni Enrile na magbibitiw na siya sa mundo ng politika. Ngunit, muli siyang kumandidato sa pagka-senador noong 2019, pero hindi siya pinalad na manalo.
Ferdinand Marcos Jr. (2022-present)
Sa kasalukuyan, nagsisilbi pa rin si Enrile sa pamahalaan kung saan itinalaga siya bilang chief presidential legal counsel ni Marcos.