Tila magtatagumpay si Presidential legal counsel Juan Ponce Enrile na maabot ang ika-100 taon ng kaniyang pag-iral sa mundo sa darating na Pebrero 14.
Kaya naman, asahan na ang tiyak na pagsusulputan ng mga nakakaaliw na meme kaugnay sa napakahaba niyang buhay gaya halimbawa ng mga larawan kung saan makikitang kasama siya ng mga dinosaur, si Eba at Adan, o iba pang historical figures at events na diumano ay naabutan niya.
Pero sino nga ba talaga si Enrile?
Ipinanganak si Enrile sa Gonzaga, Cagayan noong Pebrero 14, 1924. Nasa ilalim pa ng Amerika ang Pilipinas at hindi pa ganap na republika. Anak siya nina Alfonso Ponce Enrile at Petra Furugganan.
Noong 1953, natapos niya ang Bachelor of Laws sa University of the Philippines na may karangalang salutatorian at cum laude.
Kaya hindi nakapagtataka na noong sumunod na taon ay nanumpa rin siya bilang kasapi ng Philippine Bar. Naiposisyon niya ang sarili sa ika-11 pwesto ng mga successful candidate na may rating 91.72%.
Sa Harvard Law School naman niya kinuha ang Master of Laws degree niya noong 1955 na nakasentro sa taxation at corporate reorganization.
Sa mga sumunod pang taon, patuloy na nagsanay si Enrile ng pag-aabogado at nagturo pa sa Far Eastern University.
Dahil sa mga nabanggit na kredibilidad, napasok niya ang mundo ng politika. Pinagkatiwalaan siya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. bilang finance secretary mula 1966 hanggang
1968.
At nang muling manalo ang dating presidente sa ikalawang pagkakataon, iniluklok naman siyang justice secretary at defense minister.
Malaki rin ang papel na ginampanan niya sa Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Dahil ang umano’y pekeng pag-ambush sa kaniya sa Wack Wack Subdivision sa Mandaluyong ang nagsilbing dahilan umano para maipatupad ito ni Marcos, Sr. sa buong bansa.
Ayon sa tala ng Amnesty International, isang human rights group, sumampa sa mahigit 50,000 katao ang inaresto at ikinulong mula 1972 hanggang 1975. Mahigit 34,000 ang tinorture at mahigit 3,000 rin ang pinatay.
Kalaunan, sa isang vlog noong 2018 kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay itinanggi ni Enrile ang mga talang ito.
"Name me one person that was arrested because of political or religious belief during that period. None…. Name me one person that was arrested simply because he criticized President Marcos. None," saad niya.
Isa rin sa mga highlight ng political career ni Enrile ay nang maging Senate President siya ng dalawang beses sa ilalim ng magkasunod na administrasyon. Una, sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2008 hanggang 2010 at ang ikalawa naman, sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III mula 2010 hanggang 2013.
Sa kasalukuyan, matapos ang limang dekada, buhay na buhay pa rin si Enrile. Naabutan pa niya ang pagkapanalo ng anak ng dating pangulong Marcos na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa katunayan, nanumpa pa siyang chief presidential legal counsel ni Pangulong Marcos, Jr. noong Hulyo 26, 2022.
Tila napakaswerte talaga ni Enrile.
Bukod sa nasaksihan na niya ang mga makasaysayang pangyayari sa mundo gaya ng pandemya, giyera, ebolusyon ng musika, at iba pa, makatatanggap din siya ng ₱100,000 sang-ayon sa Republic Act 10868, isang batas na nagbibigay-parangal sa mga Pilipinong naabot ang isandaang taong buhay.