Trending ang Facebook post ng isang guro sa likod ng page na "Pahina ni Henry" dahil sa paglalabas niya ng sentimyento hinggil sa pagtuturo niya sa henerasyon ng kabataan sa kasalukuyan.
Disclaimer ni "Teacher Henry R. Trinidad, Jr., huwag sanang dibdibin ng mga makakabasa ang kaniyang post.
Ayon sa guro, ibang-iba na raw talaga ang kabataan ngayon dulot na rin ng makabagong teknolohiya at iba pang mga bagong kaisipan.
Sa ngayon daw kasi, napansin niyang ang henerasyon ng kabataan ngayon ay hindi na makasagot ng mga pagsusulit na nasa anyong identification, o pagbibigay ng sagot kahit walang pamimilian o options. O kaya naman ay ni hindi man lamang manghingi ng kahit limang minutong balik-aral bago magsimula ang aktuwal na pagsusulit. Mas alam pa raw ng kabataan ngayon ang trending at viral posts kaysa sa mga aralin sa paaralan. Kabataang "adik" sa online games at social media, mas inuuna ang pag-aayos ng hitsura at porma kaysa sa karakter at pagpapahalagang pangkatauhan, at paniniwalang hindi dinidikta ng marka ang pagkatao ng isang tao.
Sa panahon ngayon, kapag nagbigay raw ng 75 o pasang-awa ang guro, siya pa raw ang tila may kasalanan kahit nagkulang naman daw talaga ang mag-aaral. Sa akademya, ito ay tinatawag na "Teacher's factor."
"Nais ko sanang maging guro na may mataas na standard, yung tipong you will get the grade that you deserve, kaso naiisip ko..."
"Nagtuturo nga pala ako sa henerasyong hindi kayang sumagot sa exam kapag identification type ang ginamit."
"Nasa harapan ko pala yung mga estudyanteng hindi humihingi ng 5 minutes review kapag may pagsusulit."
"Nagtuturo pala ako sa mga batang mas alam ang kasalukuyang trending kaysa sa nakaraan na aralin."
"Nasa silid-aralan pala ako ng mga mag-aaral na lulong sa adiksyon hindi ng droga kundi ng online games at social media."
"Hinuhulma ko nga pala ang henerasyong pilit pìnanghahawakan ang katagang "Grades don't define you". Edi wow na lang."
"At nagtuturo nga pala ako sa henerasyon ng mga batang madalas inuuna ang kanilang hitsura at porma kaysa sa kanilang karakter at pagpapahalaga."
"Ay, oo nga pala, bago ko makalimutan, nagtuturo nga pala ako sa isang sistemang kapag nagbigay ka ng 75, ikaw na guro ang pandidirihan, kasi wala kang ginawa."
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Realidad 'buhay-guro' sa Pinas."
"If you don't like the system, be the change. Kapag pilit ipanapapasa sayo ang batang hindi naman nag intindi sa kabila ng mga efforts mo, huwag mong sundin, ibigay mo ang deserve ng bata. Paano magagamot ang problema kung di magiging totoo sa data? Pwede naman tayong manindigan sa tama. Kaya tayo marahil nilalamon ng ayaw nating sistema, dahil nilulunok nalang natin ang bulok na sistema. Pwede ka naman maging instrumento ng pagbabago."
"Well said! So true..."
"Relate ako diyan..."
"Bravo, you said it perfectly!"
"Don't use fake grades to please the DepEd authorities, the pupils, or even the parents. You will be satisfied as long as you offer them what they deserve supported by accurate data. Pag tama ang class record mo, tindigan mo. Pero mahalagang alamin din naman kung may ginawa ka pong appropriate action and intervention sa mga batang nangangailangan ng tulong ninyo.
Kung wala ka rin naman pong ginawa, ibang kwento na po un."
"Exactly!! Noon talagang kapag nasa honor list super proud lahat ng taong makakasalamuha mo.. Ngayon kasi mekus mekusss na insan hahaha."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Henry, nagbigay siya ng mensahe sa mga kapwa guro.
"Sa lahat ng guro, alam kong mahirap, pero huwag nyong hayaang maubos ang inyong passion dahil sa kasalukuyang sitwasyong kinahaharap natin. Manatiling maging masaya kahit na wala tayong masyadong appreciation na nakukuha. Stay mentally healthy, creative and still do the things you really enjoy doing," aniya.
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 28k reactions, 33k shares, at 1.4k comments ang nabanggit na viral Facebook post ng guro.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!