Maraming nagsasabi na darating daw ang panahon ng pagbagsak ng Kristiyanismo sa iba’t ibang sulok ng mundo.

Kung kailan, wala pang nakakaalam. Pero dalawa lang ang sigurado: una, hindi pa ito ang panahong ‘yon. Ikalawa, nauna nang bumagsak sa kani-kanilang himlayan kung sinoman ang nagbigay ng prediksyong nabanggit sa itaas.

Hanggang ngayon, nananatili ang impluwensiya ng Kristiyanismo sa marami nating mga kababayan sa kabila ng pagbabagong-bihis ng panahon.

Isa na rito ang mahabang tradisyon ng paggunita ng Ash Wednesday.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Para sa mga Kristiyano, itinuturing na hudyat sa pagsisimula ng Kwaresma ang Ash Wednesday o Miyerkules ng Abo. Ang Kwaresma ay 40 araw na pangingilin at pag-aayuno bilang paghahanda sa pagpapakasakit ni Hesus sa krus hanggang sa Kaniyang muling pagkabuhay.

Nakadepende ang paggunita sa Ash Wednesday sa magiging petsa ng resuresksyon ni Hesus. Ngayong taon, 2024, papatak sa Pebrero 14 ang Ash Wednesday dahil sa katapusan ng Marso nakatakda ang Easter Sunday.

Samantala, kung nakadepende ang Ash Wednesday sa magiging petsa ng Easter Sunday, nakadepende naman ang huli sa buwan.

“Hindi tulad ng Pasko, ang Easter ay isang moveable feast o walang eksaktong petsa. Noong 325 A.D. idineklara ng Council of Nicea ay magaganap tuwing Linggo pagkatapos ng unang full moon kasunod ng vernal equinox,” paliwanag ni Kim Atienza sa ABS-CBN News.

Sa nakatakdang araw, Pebrero 14, ang mga mananampalatayang Katoliko ay pa-krus na papahiran ng abo sa noo. Ang nasabing abo ay mula sa mga sinunog na palaspas na nabasbasan noong nakaraang taon.

Tanda ng pagsisisi sa mga kasalanang nagawa at ginawa ang pagpapahid ng abo sa noo. Isa rin itong paraan upang tanggapin si Hesu-Kristo bilang tagapagligtas.

Pero ang pinakaubod talaga ng paggunitang ito ay ipaalala sa bawat isa ang kaniyang pinagmulan.

“Ang kahulugan ng abo, ipinapaalala sa atin na tayo ay sa abo nagmula at sa abo rin babalik,” saad ni Fr. Angel Marcelo Pastor sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.

Kaya sa darating na Miyerkules, alalahanin din sana natin ang pinakadakilang pag-ibig na natanggap ng sangkatauhan mula sa Diyos.