Iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano siya pahuhuli nang buhay sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng isinagawa giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Sa isang panayam kasama si dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa DZRJ 810 AM - Radyo Bandido nitong Huwebes, Pebrero 8, muling nanindigan si Duterte na walang hurisdiksyon ang ICC sa kaniya at sa Pilipinas.
“Walang pakialam ang ICC sa akin. At hindi nila ako mahuhuli talaga. Mahuhuli nila ako, patay. Kung gusto nila talagang magtangkang pumasok, unahin ko na sila muna. Ilan ba sila?” ani Duterte.
“Kung pumunta sila rito, arestuhin nila ako rito, magkabarilan talaga ‘yan. At uubusin ko ‘yang mga p***ng i***g ‘yan,” saad pa niya.
Sinabi rin ng dating pangulo na ayaw raw niyang masangkot si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isyu.
“Ayaw kong ma-involve si Marcos dito. Si Marcos, walang pakialam sa–Kung tumulong siya, bahala siya. Pero ako, hindi ako papahuli,” giit ni Duterte.
Pinuri rin naman ng dating pangulo ang naging pahayag kamakailan ni Marcos na hindi raw dapat ang ICC ang magdedesisyon kung sino ang aarestuhin at uusigin sa Pilipinas.
Matatandaang noon lamang Enero 23 nang igiit ni Marcos na itinuturing niyang “banta” sa soberanya ng bansa ang ICC at hindi umano makikipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte.