Isang binatilyo ang patay matapos paglaruan ang isang baril kasama ang kanyang pinsan sa loob ng tahanan nito sa Tondo, Manila nabatid nitong Biyernes.

Dalawang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng biktimang si Alexis Michael Santos, 14, at residente ng Ugbo St., Tondo, Manila.

Samantala, nasa kustodiya na ng mga pulis ang pinsan ng biktima na si Edu Crisostomo, 22, ng Romana St., Tondo matapos na boluntaryong sumuko.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-11:30 ng umaga ng Huwebes nang maganap ang insidente sa kuwarto ng suspek, na matatagpuan sa loob ng kanilang tahanan.

National

Araw ni Bonifacio, 'di mababago ang petsa —Palasyo

Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang insidente ay nagkatuwaan umano ang magpinsan na paglaruan ang isang kalibre .38 revolver.

Aksidente naman umanong pumutok ang baril at tinamaan ang biktima sa ulo.

Kaagad itong isinugod ng mga kaanak sa Tondo Medical Center ngunit binawian din ng buhay dakong alas-6:36 ng gabi.

Narekober din ng mga awtoridad ang baril na sangkot sa insidente.

Nakapiit na umano ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso sa piskalya.