Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) nitong Miyerkules na magpapatupad sila ng 57.38 sentimo kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente ngayong Pebrero.
Sa abiso ng Meralco, nabatid na dahil sa naturang dagdag-singil ay aabot na sa P11.9168/kWh ang overall electricity rate para sa isang typical household ngayong buwan, mula sa dating P11.3430/kWh lamang noong Enero.
Ngangahulugan ito na ang mga tahanang kumukonsumo ng 200kWh kada buwan ay magkakaroon ng dagdag na bayarin sa kuryente na P115; at P172 sa mga nakakagamit ng 300kWh kada buwan.
Aabot naman sa P229 ang dagdag sa bayarin ng mga nakakakonsumo ng 400kWh kada buwan habang ang mga nakakagamit ng 500kWh kada buwan ay may dagdag na P287 sa kanilang electricity bill.
Ipinaliwanag naman ni Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga na ang taas-singil ay bunga nang pagtataas ng generation charge, taxes, system loss at Feed in Tariff Allowance.