Narinig mo ba ang terminong prenup agreement?'

Ang pre-nuptial agreement o pre-nup (prenup) agreement ay isang legal na kasunduang isinasagawa ng dalawang indibidwal bago sila pumayag sa seremonya ng kasal o pag-iisang-dibdib. Sa pamamagitan nito, nagtatakda sila ng mga kondisyon at pag-aari na may kaugnayan sa kanilang ari-arian, pinansyal na responsibilidad, at iba pang aspeto ng kanilang relasyon.

Karaniwang layunin ng prenup ang pagtukoy at pagbibigay ng mga patas na patakaran sa paghahati ng ari-arian sa oras ng diborsyo o paghihiwalay. Maaaring isama sa prenup ang mga patakaran ukol sa pagbibigay ng sustento, pagpapasiya sa mga ari-arian na nakuha bago o habang sila ay kasal, at iba pang pangyayari o kondisyon na maaaring makaapekto sa kanilang pag-aari at pananalapi.

Ang mga prenup agreement ay karaniwang isinasagawa ng mga mayayaman, mga taong may mga negosyo, o mga taong may mga ari-arian na nais protektahan sa oras ng paghihiwalay o diborsyo. Gayunpaman, maaari rin itong maging kapaki-pakinabang sa sinuman na nais magkaroon ng malinaw na kasunduan at mga patakaran sa kanilang relasyon. Ito ay isang paraan ng pagprotekta sa mga indibidwal at pagtatakda ng mga inaasahan bago pa man sila magpakasal.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Sa artikulong "Pax Law Corporation" ay naglatag sila ng iba't ibang dahilan kung bakit kailangan ng prenup agreement:

1. Maprotektahan ang mga personal na ari-arian. Kapag mayroon kang malaking halaga ng mga ari-arian, mahalagang protektahan mo ang mga ito, lalo na kung pinaghirapan mo ito noong single ka pa. Ang isang prenup agreement ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataong magplano para sa isang makatarunganang pagtugma sa pamamagitan ng pagtatakda kung magkano ang dapat makuha ng iyong kapareha at kung ano ang hindi dapat nilang hingin, kung sakaling maghiwalay kayo.

2. Matugunan ang mga pangunahing isyu sa isang negosyong pag-aari ng pamilya. Magbibigay ito ng linaw kung ano ang mangyayari sa negosyo pagkatapos ng paghihiwalay. Ito ay magbibigay ng proteksyon sa mga interes ng bawat may-ari sa negosyo at magtitiyak ng patuloy na pagpapatakbo nito.

3. Maprotektahan ang mga minanang ari-arian mula sa mga magulang o ninuno. Kailangang maproteksyunan ang mga minanang ari-arian tulad ng perang nasa savings account na ipinamana ng isang kamag-anak, mga ari-arian na ipinaalam sa iyo bago ang kasal, o mga interes sa isang trust na itinatag ng isang miyembro ng pamilya.

4. Makaiwas sa mga utang na hindi naman ikaw ang kumuha. Hindi ka required na bayaran ang mga utang ng iyong asawa sa panahon ng inyong pagsasama, kung sakaling magsaulian na kayo ng kandila.

5. Mapaghiwalay at magkaroon ng sariling assets at properties. Sa panahong nagsasama na kayo bilang mag-asawa, maaaring magkaroon ng sariling ari-arian ang mag-asawa batay sa kanilang mga naipundar sa trabaho o negosyo.

Sa isang episode naman ng "Dapat Alam Mo!" noong Pebrero 2022, tinalakay ni Atty. Rudolf Jurado ang tungkol sa pagkakaroon ng prenup agreement.

Ito raw ay magbibigay-kalayaan sa mag-asawa na magkaroon ng sarili nilang assets, dahil sa batas, kapag ikinasal na ang magkasintahan, nagiging conjugal ang lahat. Ibig sabihin, hati na ang mag-asawa sa kung anuman ang assets at properties na mayroon sila.

“Sa prenuptial agreement, pwede mong sabihin na ‘kanya-kanya tayo’ o tinatawag na complete separation of property. Ang tawag ko rito ay, ‘ang akin ay akin, ang sa’yo ay sa’yo,’” aniya.

Kaya payo ng abogado sa mga gustong magpakasal, bago raw ang seremonya ay kailangan itong upuan at pag-usapan ng couple sa harap ng kanilang legal counsel.

"Dapat gawin ito bago kayo ikasal dahil 'pag nakasal na kayo, hindi na kayo puwedeng mag-usap na kaniya-kaniyaya tayo,” aniya pa.