Magandang balita para sa mga kababayan natin na may sakit na kanser o sakit sa puso dahil isinusulong na ngayon ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng full PhilHealth coverage sa cancer treatment, heart bypass surgery, at iba pang major hospital operations, bukod pa sa inaprubahang 30% increase sa mga benepisyo ng ahensiya, na kanyang ipinakipaglaban.
Ayon kay Agri Party-list Rep. Wilbert T. Lee, ang gamutan para sa mga nasabing karamdaman ay nagkakahalaga ng milyun-milyon, habang ang PhilHealth coverage ay nag-aalok lamang ng P150,000 hanggang P600,000 para sa buong panahon ng gamutan.
Binigyang-diin ni Lee na, “In the case of cancer, alam naman natin na ang gamutan diyan, hindi pwedeng installment. Gusto natin gawin itong unlimited. Dapat full coverage; kung ano ang kailangang gamutan sa cancer, kailangan sagot lahat ng PhilHealth ‘yan.”
“Yung sa heart bypass surgery, coronary artery bypass, P550,000 ang limit sa coverage pero milyon-milyon ang gagastusin mo diyan,” aniya pa.
Pahayag pa ni Lee, “tinututukan ko po ito, hindi tayo hihinto sa 30% increase sa benefits na ipinaglaban natin. Because there are so many cases, na kahit doble ang itaas ng coverage, kakapusin pa rin sa pambayad ang mga miyembro.”
Matatandaang simula sa Pebrero 14 ay nakatakda nang ipatupad ng ahensiya ang 30% increase sa karamihan sa kanilang mga benefit packages.
Una nang isinulong ni Lee ang pagpapalawak ng PhilHealth healthcare packages at coverage, kasunod ng mga reklamong kanyang natanggap na may ilang pagamutan ang ayaw tumanggap ng indigent patients dahil wala silang kakayahan na bayaran ang kanilang mga doctor at mga empleyado dahil sa malaking pagkakautang ng state health insurer.
“Ang daming nagsasabi noon, ayaw silang tanggapin sa ospital kasi malaki raw ang utang ng PhilHealth. Doon nagsimula ‘yan. Naisiwalat po natin ‘yan nung nakaraang budget hearing. Nalaman natin na contrary to what we all believe, ang dami pa lang pera ng PhilHealth,” anang solon.
Magugunitang sa isinagawang pagtatanong ni Lee sa deliberasyon ng panukalang 2024 budget ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 2023, nabunyag na ang PhilHealth ay mayroong P466 bilyong halaga ng investible funds at P68.4 bilyong net income.
Sa liham sa PhilHealth leadership noong Oktubre 2023, inirekomenda rin niya ang 30% across-the-board increase sa mga benefit packages at coverage ng ahensiya.
Inihain din ni Lee ang House Resolution No. 1407, na humihikayat sa state health insurer na i-update at taasan ang kanilang coverage ng 30%, at sinabing ang kanilang case rate ay hindi na responsive sa hospitalization cost ng mga benepisyaryo.
Samantala, hinikayat din naman ng mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin ang implementasyon ng PhilHealth premium rate hike mula sa 4% noong nakaraang taon at ginawang 5% ngayong taon.
“Ako mismo, personally, I would ask, I would urge the President to suspend it temporarily hanggang makabawi tayo, hanggang makabangon tayo. Gusto po natin na maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan at mabawasan ang pangamba ng bawat pamilya na lalong mabaon sa utang at hirap oras na sila ay magkasakit,” anang mambabatas.
“Kaya ko sinasabi ‘yan dahil alam ko marami pang pera ang PhilHealth. Pero dahil gusto nating pagandahin ng PhilHealth ang serbisyo nila, dagdagan yung benefits, there will come a time na baka kulangin sila, so kailangan din po nating gawin ang ating role. Sa pagtutulungan natin, Winner Tayo Lahat,” dagdag pa niya.