Ipagpapatuloy pa rin umano ng Department of Transportation (DOTr) ang naantalang Mindanao Railway Project (MRP) na may mga pre-construction activities na sa Davao City, Digos at Tagum.

Naghahanap na umano ang DOTr ng alternatibong funding sources upang maipagpatuloy ang konstruksiyon ng MRP.

Matatandaang matagal nang naantala ang konstruksiyon ng proyekto matapos na kanselahin ng pamahalaan ng China ang kanilang financial commitment dito.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa finance department at naghahanap ng alternatibong funding sources gaya ng Official Development Assistance (ODA) mula sa ibang dayuhang pamahalaan at international financial institutions.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We decided to pursue Phase 1 of the MRP despite withdrawal of prior funding commitment from the government of China. While looking for funding sources, various pre-construction activities show we are not dropping the project,” aniya pa.

Nagpapatuloy rin aniya ang kanilang land acquisitions sa target alignment mula Tagum hanggang Digos via Davao City at may mga natukoy na rin umano silang mga resettlement sites para sa mga residenteng madi-displaced dahil sa proyekto.

Sinabi ng kalihim na, “In fact, the Tagum Train Village is scheduled for turnover to its future residents in the coming months. Livelihood programs are also being prepared for affected families.”

Nabatid na ang Mindanao Railway Project Phase 1, na nagkakahalaga ng P81.6 bilyon, ay may habang 100.2 kilometro at binubuo ng walong istasyon.

Sa sandaling maging operational, inaasahang mapagsisilbihan ng naturang rail line ang may 122,000 pasahero kada araw.

Inaasahan ding mababawasan na ang travel time mula Tagum City hanggang Digos City at magiging isang oras na lamang, mula sa kasalukuyang tatlong oras.

Ayon kay Bautista, sa pamamagitan ng MRP Phase 1 Tagum-Davao-Digos line, magiging konkreto na ang master rail plan na nagkokonekta sa buong isla ng Mindanao.

Sa sandali aniyang matapos ang buong Mindanao Railway Project, pagdudugtungin ng 1,544-kilometer rail system ang mga key provinces gaya ng Davao, General Santos, Cagayan de Oro, Iligan, Cotabato, Zamboanga, Butuan, Surigao at Malaybalay, na lalo pa umanong magpapaunlad sa ekonomiya ng rehiyon.